Author
Adviser
Ang kasaysayan ay saksi sa papel ng mga unyon ng manggagawa sa pagiging mga punong ahente at mga kinatawang patuloy na nagpapalakas ng mga panawagan ng kapwa manggagawa. Layunin ng pananaliksik ay ilarawan ang proseso at pamamaraan sa pag oorganisa ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union kung saan ang pook-paggawa ay nasa Cabuyao, Laguna sa pamamagitan ng paggamit ng mga katutubong pamamaraan ng pagkakalap ng datos. Kalakhan sa mga nakalap na datos ay nagmula sa nakikiugaling pagmamasid, pakikipagkwentuhan, ginabayang talakayan, at panayam sa piling tagabatid. Ang nailarawan na proseso at pamamaraan ng pag-oorganisa ay nakabatay sa tatlong yugto: pagpukaw, pag-organisa, at pagmobilisa. Inilarawan ang mga epekto ng natukoy na salik na nagpapalakas at nagpapahina sa proseso sa resulta ng pag-oorganisa ng unyon sa antas ng organisasyon, institusyon, at lokal mula sa mga nakaraan at kasalukuyang gawain ng unyon. Natuklasan ng pananaliksik na mayroong ugnayan ang katangian at kondisyong paggawa, proseso at pamamaraan ng pag-oorganisa, mga salik na nagpapalakas at nagpapahina sa pag-oorganisa, at resulta ng pag-oorganisa sa bawat isa. Iminumungkahi na magkaroon ng mas detalyadong pananaliksik sa higit pang mga unyon upang mas mapalawak ang pagtanaw sa pag-oorganisa ng mga manggagawa.